FILIPINO 
Aralin 1

Sa Kabataan 
Onofre Pagsanghan

Isa sa mga salitang napag-aralan
natin sa wikang Pilipino ay ang
salitang nabansot. Kapag ang isang
bagay raw ay dapat pang lumaki
ngunit ito'y tumigil na sa paglaki, ang
bagay na ito raw ay nabansot. MArami
raw uri ng pagkabansot, ngunit ang
pinakamalungkot na uri raw ay ang
pagkabansot ng isipan, ng puso, at ng
diwa.
Ang panahon ng kabataan ay
panahon ng pagkalaki, ngunit ang ating
paglaki ay kailangan paglaki at pag-
unlad ng ating buong katauhan, hindi
lamang ng ating sukat at timbang.
Kung ga-poste man ang ating taas at
ga-pison man ang ating bigat, ngunit
kung ang pag-iisip naman nati'y
ga-kulisap lamang, kay pangit na
kabansutan.
Kung tumangkad man tayong tangkad-kawayan,
at bumulog man tayong bilog-tapayan, ngunit
kung tayo nam'y tulad ni "Bondying" na di
mapagkatitiwalaan-anong laking kakulangan. 
Kung magkakatawan tayong katawang "Tarzan"
at mapatalas ang ating isipang sintalas
ng kay Rizal, ngunit kung ang ating kalooban
nama'y itim na duwende ng kasamaan-anong
kapinsalaan para sa kinabukasan.
Kinabukasan. KAbataan, tayo raw ang
pag-asa ng Inang Bayan. Tayo raw
ang maghahatid sa kanya sa langit ng
kasaganaan at karangalan, o hihila
sa kanya sa putik ng kahirapan at kahihiyan.
Ang panahon ng pagkilos ay ngayon, hindi
bukas, hindi sa isang taon. Araw-araw ay
tumutuwid tayong palangit o bumabaluktot
tayong paputik. Tamang tama ang sabi ng
ating mga ninunong kung ano raw ang 
kinamihasnan ay siyang pagkakatanda.
Huwag nating akalaing makapagpapabaya tayo ng 
ating pag-aaral ngayon at sa araw ng bukas
ay bigla tayong magiging mga dalubhasang
magpapaunlad sa bayan. Huwag nating akalaing
makapandaraya ngayon sa ating mga pagsusulit, 
makakupit sa ating mga magulang at sa mahiwagang
araw ng bukas makakaya nating balikatin ang 
mabibigat na suliranin ng ating bansa.
Huwag nating akalaing makapaglulublob tayo 
ngayon ng kalaswaan at kahalayan, at sa
mahiwagang araw ng bukas bigla tayong 
magiging ulirang mga magulang.
Kabataan, ang tunay na pag-ibig sa bayan,
ang tunay na nasyonalismo, ay wala sa 
tamis ng pangarap, wala rin sa pagpag ng dila.
Ang tunay na pag-ibig ay nasa pawis at gawa.






A. Pananaw Imahismo 

Malinaw ang talumpating "Sa Kabataan" ay maaaring suriin gamit ang pananaw Imahismo.
Ang Imahismo ay isang kilusang nagsimula noong mga unang dekada ng ikadalawampung siglo.
Naglalayon itong gawing malinaw ang pagpapahayag sa pamamagitan ng tiyak na larawang biswal.
Ang isang manunulat ay malyang pumili ng anumang imaheng nais gamitin sa paksa. Nagiging mas epektibo
ang paghahatid ng mensahe sapagkat higit na nabibigyang-buhay ang mga kaisipang nais ipahiwatig ng sumulat.
Kinakailangan nga lamang ang maingat na pagpili sa imaheng gagamitin sapagkat ito ay dapat na akma sa 
paksang tinatalakay upang hindi ito mabigyan ng ibang konotasyon ng mga mamababasa. Ang pananaw Imahismo 
ay gumagamit ng malinaw na mga imahe at maliwanag na mga pananalita. Ito ay tumutuligsa sa mga romantikong
nananaig noong mga panahong iyon.
Sa akdang "Sa Kabataan," ginamit ni Onofre Pagsanghan ang iba't ibang imahe gaya nina Bondying, Rizal, TArzan,
at ng duwendeng itim upang ipahayag nang masinig ang mga kisipang nais niyang ikintal sa isipan ng mambabasa
Bawat imaheng ito ay may iba't ibang kahulugan batay kung sa anong katangian ang tinataglay nito. Sa ganitong
paraan mas madaling nauunawaa ng mga mambabasa kung anong mensahe ang nais iparating ng akda.


B. Pagtatalumpati 
Ang pagtatalumpati ay isang sining na pakikipagtalastasan na naglalayong ilahad ang kaisipan at
damdamin hinggil sa isang paksa sa pamamagitan ng wasto at mabisang pagbigkas. 



Mga Hangarin ng Pananalumpati
  1. Makapagbigay ng Kabatiran- Maaring magbigay ang isang talumpati ng mga bagong kaalamang makadaragdag
    sa mga nalalaman ng mga tagapakinig. 
  2. Makapagturo o MakapagpaliwanagAng isang talumpati ay maaring magturo ng isang paraan o paniniwala
    tungkol sa isang kaisipan. Maari ring maglahad ng bagong anggulo o relasyon ng mga bagay-bagay upang maiangat ang
    pang-uunawa ng mga takapakinig hinggil sa isang bagay.
  3. Makapanghikayat- Ang isang talumpati ay may kapangyarihang makahikayat ng mga takapakinig. Naglalayon
    itong umakit sa mga tagapakinig na tanggapin ang isang pinagtatalunang palagay o kalagayan. Karaniwang ginagamit ito
    ng mga pulitiko sa pangangampanya.
  4. Makapagpaganap o Makapagpatupad- Ang isang talumpating naglalayong magpaganap o magpayupad ay karaniwang ginagamit
    sa pagpapasinaya ng isang proyekto, batas, o ordinansang makabubuti para sa nakararami. Itinutulak nito ang mga tagapakinig na 
    umaksiyon sa isang kaisipan.
  5. Manlibang- Bagama't ang hangaring ito ay makapagbigay kasiyahan at kawilihan sa mga tgapakinig, nararapat
    lamang na maging katambal ito ng bawat talumpati. Anuman ang hangarin ng isang talumpati, ito ay dapat maging kawili-wili.


Mga Uri ng Talumpati Batay sa Paghahanda
  1. Dagilan o Biglaan (Impromptu)- Sa dagilan o buglaang pagtatalumpati, ang mananamlumpati ay hindi binibigyan 
    ng panahong makapaghanda. Sinasabi lang sa kanya ang paksa sa mismong oras ng pagtatalumpati.

  2. Maluwag(Extemporaneous)- Ang mananalumpati ay may nakahandang sasabihin ngunit hindi isinasaulo.

  3. Handa- Ang talumpati ay nakahanda at nakasulat na upang basahin o sauluhin ng mananalumpati. 


Dahil ang pagtatalumpati ay isang sining ng pakikipagtalastasan, hindi ito basta-basta isinasagawa. Kailangang bigyan-pansin ng 
mananalumpati ang mga sumusunod:
  • malaking tiwala sa sarli;
  • ganap na kaalaman at pagkaunawa sa paksang sasabihin; at
  • postura (anyo at kilos)


Maaring ang mga bagay na ito ay hindi laging angkin ng isang mananalumpati ngunit ito naman ay maaaring makuha sa pag-aaral,
pagmamasid, at puspusang pagsasanay. 

Hakbang sa Pagbabalangkas 

Pambungad ng Talumpati 

a. Panimula- Sa paggawa ng paninimula, nararapat na umisip ng isang panimulang nakapupukaw o nakakagulat upang
makatawag-pansin sa mga takapakinig. Sa puntong ito kailangang maikondisyon ang mga tagapakinig sa paksa ng talumpati.

Katawan ng Talumpati 

b. Paglalahad- Sa puntong ito kailangan ng sistematiko at malinaw nga paglalahad ng mga kabatiran, masusing pagpapaliwanag,
at mahusay na panghihikayat. 

c. Bigay-diin o Emphasis- Matapos ang paglalahad ng ideya o paninindigan, sundan agad ito ng pagbibigay-diin
emphasis upang ang bisa nito ay tumino sa isip at kalooban ng mga tagapakinig. 

Pagwawakas ng talumpati 

d. Impresyon- Kung kinakailangan ng isang panimulang pupukaw sa isip at damdamin ng tagapakinig, nararapat ding
wakasan ang pagsulat ng talumpati sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impresyong ang kaisipang inilahad o paninindigan ay pawang
katotohanan lamang. 
  1. Kapag tapos na ang balangkas, maaari nang isulat ang talumpati. Iwasan ang pagsusulat ng napakahabang talumpati.
Dapat tandaan na sa makabagong kalakara n ng pananalumpati, ang maikli, maliwanag, at malamang talumpati ay higit na pinapupurihan
at kinawiwilihan kaysa sa mahaba at maligoy na talumpati.